Patay ang driver at ang isa sa tatlong pahinante ng isang ten-wheeler delivery van nang mahulog ito sa tulay sa Maharlika Highway sa bayan ng Pagbilao sa lalawigan ng Quezon noong Sabado ng gabi.
Nangyari ang insidente sa Barangay Malicboy dakong alas-siete ng gabi, ayon sa lokal na mga awtoridad.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Pagbilao, galing sa sa Bicol ang delivery van at patungo sana sa Maynila nang mawalan ito ng preno sa pababang bahagi ng highway.
Posible umanong hindi na na-control ng driver ang manibela kung kayat dumiretso na ito sa tulay hanggang sa mahulog.
Wasak na wasak at nagkayupi-yupi ang truck. Naging pahirapan din ang pag-rescue sa mga sakay nito dahil naipit ang mga ito.
Tumagal ng halos dalawang oras ang rescue operation at ang pagkuha ng mga katawan ng dalawang namatay.
Naisugod naman sa pagamutan sa Lucena City ang dalawang sugatan sa insidente, ngayon ay kritikal ang kalagayan.
Ayon sa PNP Pagbilao, accident-prone ang lugar na pinangyarihan ng insidente. —LBG, GMA News
