Kalaboso ang isang ama sa Binmaley, Pangasinan matapos na ireklamo ng kaniyang kinakasama na inihagis sa palaisdaan ang kanilang anak na tatlong-taong-gulang. Ang suspek, nahulihan pa umano ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy  sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Darmo Tarectecan, ng Barangay Manat sa nabanggit na bayan.

Ayon sa asawa ng suspek na si Helen, inihagis umano ni Tarectecan ang kanilang anak sa palaisdahan na hanggang binti ang tubig at tatlong minuto ang lumipas bago naiahon ang bata.

"Itinapon 'yong anak ko sa harap ng bahay namin. Ewan ko po madam [sa dahilan], lasing na lasing madam," sabi ni Helen tungkol sa asawa.

Sabi naman ni Police Senior Inspector Casario Fernandez, Deputy Chief, Binmaley Police, lasing ang suspek nang ihagis ang batang umiiyak sa palaisdaan.

Nang dalhin sa himpilan ng pulisya si Tarectecan, may nakuha pa umano sa kaniya ng dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Aminado naman ang suspek na inihagis niya ang anak sa fishpond dahil daw sa kalasingan pero itinanggi niya na sa kaniya ang nakumpiskang mga droga.

"Pagdating ko dito madam, inipit nila ako diyan ng apat na pulis tapos dalawang sibilyan, pinapahawakan sa akin yong parang puti," aniya.

Gayunman, nanindigan ang pulisya na wala silang inilalagay na droga Tarectecan at sinabing karaniwang itinanggi ng mga suspek kapag may nakumpiskang droga sa kanila.

Nasa maayos nang kalagayan ang batang biktima habang inihahanda naman ang kasong isasampa sa suspek.--FRJ, GMA News