Isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos saksakin ng kaniyang nakababatang kapatid sa Aingan, Pangasinan. Ang ugat umano ng pananasaksak, naingayan ang suspek sa kaniyang kuya na dati na niyang nakaalitan.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban ng GMA Regional TV- Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang 41-anyos na biktima na si Roniel Pacios, tricycle driver.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang kaniyang nakababatang kapatid na suspek na si Zian Rudolfh, na tumakas matapos gawin ang pananaksak sa mismong compound ng kanilang bahay.
Ayon sa pulisya, dati nang may alitan ang magkapatid at pinag-usap pa sa barangay isang araw bago maganap ang pananaksak noong Miyerkules ng gabi.
Inakala umano ng barangay na nagkaayos na ang magkapatid hanggang sa mangyari ang pagkainis umano ng suspek dahil maingay ang biktima at asawa nito.
Pareho umanong nakainom ng alak ang magkapatid nang mangyari ang insidente.
"Parang ang lumilitaw dito is, sumugod ang sinigawan niya. Dahil nga may takot na 'yung kapatid niya sa kaniya noong pagsugod sa bahay, ay kumuha ng kutsilyo ang suspek at sinaksak niya yung kapatid niya," ayon kay Police Chief Inspector Ador Tayag, Asingan Police.
Pero kuwento ng menor de edad na anak ng biktima, nag-uusap lang ang kaniyang mga magulang nang sumugod ang kaniyang tiyuhin.
Nagsuntukan pa raw ang magkapatid bago inundayan ng saksak ng suspek ang kaniyang ama.
Nakuha ng pulisya ang kutsilyong ginamit ng suspek, na patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Nagpapagaling naman sa ospital ang biktima.-- FRJ, GMA News
