Nakatakas agad matapos maaresto ang isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na lider umano ng kidnapping group sa Gonzaga, Cagayan.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa Dobol B sa News TV itong Lunes, kinilala ang suspek bilang si Superintendent Johnny Orme, dating hepe ng intelligence branch ng Parañaque City police.
Supt Johnny Orme, opisyal ng PNP na lider umano ng isang kidnapping group, naaresto sa Gonzaga, Cagayan Sabado ng gabi pero nakatakas din agad Linggo ng umaga --- PNP region 2 director C/Supt. Jose Mario Espino ????: Cagayan PNP @dzbb pic.twitter.com/JVlzl2lLjv
— Jonathan Andal (@JonathanAndal_) October 7, 2018
Sa inisyal na impormasyong ibinigay ni PNP Region II director Chief Superintendent Jose Mario Espino, natimbog si Orme nitong Sabado sa may pampang ng Barangay Caliao, subalit nakatakas din ito kinabukasan matapos dumaan sa kanilang tahanan bago ilipat sa Cagayan Police Provincial Office.
Ayon kay Espino, nagpaalam daw si Orme na kukuha lamang ng damit sa kanilang bahay. Pinayagan naman siya ng mga awtoridad mula sa Gonzaga police station.
Idinadawit si Orme sa pagdukot sa negosyanteng si Carlos Abad Tan sa isang casino sa Maynila. Taong 2016 pa raw AWOL (absence without official leave) ang suspek.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. —Anna Felicia Bajo/KBK, GMA News
