Dahil sa pagsagot sa text message ng isang magbabayad ng utang, naaresto ang suspek sa brutal na pagpatay sa isang lalaki sa Laguna na ninakawan ng mga gamit. Kasama sa mga kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima kung saan nag-text ang magbabayad ng utang.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV ang biktimang si Aldrin Ambray noong gabi ng Oktubre 2 habang naglalakad kalye sa Barangay San Diego San Pablo Laguna, at kasama ang 21-anyos na suspek na si Alvin Albuera.
Nagtungo ang dalawa sa bahay ni Ambray makaraang makabili ng alak. Pero bandang alas-dose ng madaling araw, si Albuera na lang ang nakunan sa CCTV na naglalakad sa kalye at hindi na kasama si Ambray.
Tatlong araw ang nakalipas, nadiskubre ang nangangamoy na bangkay ni Ambray sa kaniyang bahay na may saksak sa likod at dibdib, at nakatali ang kamay at paa, at may takip sa mata.
Nawawala rin ang mga gamit ng biktima tulad ng cellphone, alahas at pera.
Sa entrapment operation, nadakip si Albuera matapos na sumagot sa text ng isang kaibigan ni Ambray na magbabayad ng utang.
Ang naturang kaibigan na magbabayad, nag-text sa cellphone ng biktima na kasamang tinangay ng suspek.
"Ito pong cellphone ng biktima ay nawawala sa crime scene kaya pinaniniwalaang hawak ng suspek. Kaya mula po sa cellphone na 'yun, nagkaroon ng communication," sabi ni Police Superintendent Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo City Police.
Patuloy niya, "Nag-text po ang isang kaibigan ni Besi at sinabi 'bes, magbabayad na ako ng utang, baka magastos ko pa ito kaya kailangan maibigay ko na sa'yo.' Nag-reply po doon 'yung cellphone ng biktima. Mula po doon, tinuruan na natin kung paano niya sasagutin ang mga text message."
Inamin naman ni Albuera ang krimen pero nagdilim lang daw ang kaniyang paningin dahil may malaswa umanong nais gawin sa kaniya ang biktima.
"Naglaro kami ng tali-talian, siya ang nagsabi sa akin na itali ko siya. Ngayon po, itinali ko po. Nung pagkatapos po, ang sabi niya, ako naman ang itatali niya at gagalawin niya ako. Hindi ako pumayag, nagdilim na ang paningin ko," kuwento ng suspek.
Narekober din sa suspek ang iba pang gamit ng biktima.
Aalamin naman ng pulisya kung may iba pang krimen na kinasangkutan ang suspek.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News
