Nahuli na ang pangunahing suspek sa pagpatay kay Mayor Randy Adlawan Climaco ng Tungawan, Zamboanga Sibugay na nangyari noong 2015.



Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nadakip nitong October 27 sa Zamboanga City si Jeprin Alimuddin Hasan, ang sinasabing lider ng grupong nanambang sa alkalde.

Nangyari ang pananambang kay Climaco noong October 2015 kung kailan nagsumite ng certificate of candidacy ang biktima para sa 2016 elections.

Nasawi si Climaco at nasugatan naman ang iba pa niyang kasama.

Ayon sa ulat, itinanggi noong una ni Hasan na may kinalaman siya sa krimen pero kinalaunan ay umamin umano ito na siya ang lider ng grupong gumawa ng pananambang.

Pagsisiwalat niya,  sila ang inutusan na gawin ang krimen at binayaran ng mahigit P1 milyon ng isang tao na hindi pa pinapangalanan ng pulisya .

Nasa apat na grupo raw ang kaniyang inutusan para patayin si Climaco noong araw na iyon.

Dahil sa pagkaaresto ni Hasan, itinuturing na ngayong case closed ang kaso ng pagpatay kay Mayor Climaco.

Mahaharap naman sa mga kasong murder, frustrated murder, at attempted murder ang suspek, habang patuloy ang pagtugis sa iba pa niyang kasamahan.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News