Natagpuang patay sa isang bayan sa Camarines Sur ang isang guyong babae at ang kaniyang 80-anyos na ina sa loob ng bahay, at halos hindi na makilala ang mga biktima dahil sa tinamong mga palo ng matigas na bagay sa kanilang mukha at katawan.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes ng umaga, kinilala ang mga biktima na sina teacher Noemi Antioquia-Cariaga at ang 80-anyos niyang ina na si Flerencia Antioquia.

Batay sa inisyal na ulat ng mga pulis ng Bula, Camarines Sur, duguan at wala nang buhay ang dalawa sa loob ng bahay ni Flerencia at halos hindi na mamukhaan dahil sa panghahampas ng 'di pa matukoy na matigas na bagay.

Itinuturing na suspek sa krimen ang asawa ni Noemi na si Joey Cariaga, isang barangay tanod.

"Lumalabas po ngayon na posibleng jealousy ang motive. Prior po sa nangyaring insidente recently sunod-sunod ang away ng mag-asawa dahil daw sa selos," pahayag ni police investigator PO3 Elias Sta. Cruz, Jr. sa bayan ng Bula.

Lumalabas na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa araw na iyon kaya't nagpunta sa bahay ng inang si Flerencia si Noemi.

Sinundan siya doon ng suspek at muli silang nagtalo at humantong sa sakitan. Sinubukang umawat umano si Flerencia at doon na sila pinaghahampas ng suspek.

Pero bago ang insidente, sinabing may banta na umano ang suspek.

"Ang nangyari, talagang lasing na lasing itong suspek at nagpaalam pa sa anak niya, at ang sabi, 'pumunta na kayo kay auntie nyo kasi papatayin ko na ngayon si mama nyo', pahayag ni Sta. Curz.

Tinutugis na ngayon ng mga pulis ang suspek. —LBG, GMA News