Patay na at may tama ng bala sa katawan nang matagpuan ang isang taxi driver sa loob ng kaniyang ipinapasadang sasakyan sa Cebu City.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng RTV-Balitang Bisdak sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, nakilala ang biktima base sa kaniyang lisensya na si Victorio Molina, 57-anyos.
Ayon sa mga awtoridad, Miyerkoles ng madaling araw nang nakatanggap sila ng tawag tungkol sa kahina-hinalang taxi na nakaparada sa isang subdibisyon sa Barangay Tisa.
Nang puntahan ng mga awtoridad ang lugar, doon na nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng sasakyan.
May nakitang tama ng bala ng baril sa katawan ng biktima.
Hinala ng mga awtoridad, posibleng naholdap ang biktima dahil nawawala ang kaniyang kita sa pamamasada.
Dinala sa punerarya ang bangkay ng biktima habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente para matukoy kung sino ang nasa likod ng krimen.-- FRJ, GMA News
