Isang lalaki na umano'y nang-agaw ng cellphone ang nakunan sa video na ginugulpi matapos mahuli sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Huwebes, sinabing kumalat ang naturang video nang i-post sa Facebook account ng isang "hostado abogado."
Sabi sa naturang post, mga tauhan umano ng Police Station 9 ang nakunang gumugulpi sa duguan nang suspek na kinalanunan ay nakilalang si Janbert Pagula.
Pero iginiit ng hepe ng naturang police station na si P/Sr. Insp. Mario Mantala Jr., na "fake news" ang naturang alegasyon sa FB post.
"False information. Fake news na nilagay niya na binugbog ng pulis ang suspek," sabi ni Mantala tungkol sa naturang post na hindi na rin mahanap ang account.
Sabi pa ng pulisya, mga residente ang nahuli-cam na nambubugbog kay Pagula, na kinalaunan ay inaresto at nakulong dahil sa pagnanakaw sa inagaw niyang cellphone.
Pinatotohanan naman ito ni Pagula na nagpasalamat pa sa pagresponde noon ng mga pulis para matigil ang paggulpi sa kaniya ng mga tao.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang may-ari ng account na nagpakalat umano ng maling impormasyon.--FRJ, GMA News
