Sinalakay ng mga awtoridad ang isang kainan sa Cebu City at nasabat ang nasa 60 kilo ng karne ng pawikan na kasama sa ibinebenta nilang putahe na "power," na pinaniniwalaang aphrodisiac.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng RTV-Balitang Bistak sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules,  sinabing kasama sa mga inaresto ang dalawang babae at tatlong lalaki, na nagsisilibing mga kahera, kusinera at trabahador sa naturang kainan sa F. Rallos St., Brgy. Pasil.

Napag-alaman na dalawang buwan ang nakalilipas nang makabili sa tindahan ng mga karne ang pawikan ang mga taga- Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ipinasuri nila sa laboratoryo sa U.P. Diliman ang mga karne, at nakumpirmang karne nga ito ng mga pawikan ang kanilang nabili, inihanda na ang pagsalakay.

Kasama ng DENR sa operasyon ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation, Department of Veterinary Medicine and Fisheries, at Prevention Restoration Orderly Beautification and Enhancement (PROBE) ng Cebu City government.

Bukod sa 60 kilo ng hiniwa-hiwang karne ng pawikan, nakuha rin ang mga naluto nang karne o "linarang na pawikan" na kung tawagin sa barangay ay "power."

Nagkakahalaga umano ng P75 kada "serving" ang naturang putahe na pinaniniwalaang aphrodisiac o nakakapagpalakas ng sexual drive.

"Bukas naman sa lahat ng mga tao na ang Pasil ay nagbebenta sila ng kinakatay na pawikan. Ang tawag diyan 'power.' Kahit tingnan niyo po sa 'Google earth,' mayroong silang mapa, nakatutok, ibig sabihin 'power'. Hindi lang mga pribado, pati mga pampublikong nanunungkulan, kumakain diyan," ayon kay Rogelio Demelletes Jr., Senior Ecosystems Management Specialist, Wildlife Division, DENR.

Nakita rin sa mga patay na pawikan ang isang pawikan na mayroon tag o marker ng "Turtle Islands National Park" na nasa Sandakan sa Sabah, Malaysia.

"Doon siya nahuli, dinocument, iti-nag, tapos ini-release. Kasi ito migratory ito, noong pumunta dito sa may Cebu hinuli tapos kinatay," sabi ni Demelletes.

Ilang beses nang nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad laban sa mga nagbebenta ng karne ng pawikan sa parehong barangay sa mga nagdaang taon.

"Actually, hotspot ang Cebu City during sa seminar namin sa wildlife, na-shock ko kasi hotspot ang Cebu City, so saan? It's because of Pasil. So, we're just being informed na hinog na ang data so nanghihingi sila ng assistance sa LGU," sabi ni Raquel Arce, hepe ng Probe Cebu City.

Nakasaad sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act na mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagbebenta at pagkain ng pawikan dahil sa pagiging endangered ng mga ito.

Bawal din silang ikalakal base sa listahan ng Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora.-- FRJ, GMA News