Inanunsyo ng SB19 ang venue para sa kanilang “Wakas at Simula: The Trilogy Finale.”
Sa kanilang Facebook post, inanunsyo ng P-Pop kings na gaganapin ang concert sa SMDC Festival Grounds sa Parañaque sa Abril 18. Iaanunsyo pa ang ticketing at iba pang detalye.
Bago nito, naglabas ng isang cryptic na anunsyo ang SB19 sa pag-wrap ng kanilang "Simula at Wakas" world tour sa Perth, Australia noong Disyembre.
Ginamit ng grupo ang alpabeto na lumabas sa kanilang “DAM” music video para magparating ng mensahe. Nahulaan ito ng kanilang fans na “Wakas at Simula” na ang kahulugan.
Sa ilalim ng “Wakas” ang buwan na Abril 2026, habang sa ilalim naman ng “Simula” ang buwan ng Enero 2026.
Binanggit ni Ken ang isang homecoming sa kanilang pagtatanghal sa ACON 2025 sa Kaohsiung, Taiwan.
Ginanap ng SB19 ang kanilang "Simula at Wakas" world tour sa 19 siyudad bilang suporta sa ikatlo nilang EP na may katulad na pangalan. Kinukumpleto ng "Simula at Wakas" EP ang kanilang EP trilogy, pagkatapos ng "Pagsibol" at "Pagtatag."
Ang SB19 ay binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin. Nag-debut sila noong 2018 sa ilalim ng ShowBT Philippines, bago nila itinatag ang sarili nilang kompanya na 1Z Entertainment noong 2023.
-- Carby Rose Basina/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News

