Kasalukuyang single at tumatayong ina sa dalawa niyang anak, sinagot ni Pokwang ang tanong kung bukas na ba siyang muling umibig sa 2026.
Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, kinumusta ni Tito Boy si Pokwang tungkol sa kaniyang 2025.
“2025 is a roller coaster ride. Wow!” tugon ni Pokwang.
Inilahad ng comedianne na malas siya sa pag-ibig noong nakaraang taon.
“Pag-ibig pa rin. Wala pa rin. Wala pa ring kinabang,” ani Pokwang.
Sunod siyang tinanong ng King of Talk kung ayaw na ba niyang umibig ulit.
“Dati lagi kong sinasabi ‘yan. ‘Ayoko na, ayoko na.’ Pero sabi ko, parang ang unfair naman ‘di ba? Hayaan na lang natin. So sabi ko ‘God, bahala ka na. Kung alam mong para sa akin at galing sa 'yo, perfect ‘yun,” saad niya.
Matatandaang naghiwalay sina Pokwang at Lee O'Brian noong Disyembre 2021.
Wala mang lovelife, malago ang negosyo ngayon ni Pokwang.
“Pero sa negosyo, in fairness, ang aking negosyo. In fairness, Tito Boy, beautiful problem ‘yung aking negosyo. Kasi wala na po ako maitinda kasi nasa sold out agad,” sabi pa ng aktres. – FRJ GMA Integrated News
