Nauwi sa trahedya ang New Year's Eve party sa isang bar na puno ng mga tao dahil sa sunog na nagkaroon ng pagsabog sa isang ski resort sa Crans-Montana, Switzerland. Tinatayang 40 tao ang nasawi at mahigit 100 ang sugatan, ayon sa mga opisyal ng Switzerland nitong Huwebes.

Sumiklab ang sunog bandang 1:30 ng madaling araw (0030 GMT) sa bar na Le Constellation sa nasabing resort sa timog-kanlurang bahagi ng Switzerland. Hindi pa malinaw ang sanhi ng pagsabog, pero sinabi ng mga awtoridad na lumilitaw na isa itong aksidente.

"At the moment we are considering this a fire and we are not considering the possibility of an attack,"  ayon kay prosecutor Beatrice Pilloud sa isang press conference, na sinabing bukas ang mga awtoridad sa isang full investigation.

Ilan sa mga biktima ay mula umano sa ibang bansa, ayon kay Stephane Ganzer, ang head of security ng Valais canton. Sinabi naman ng hepe ng pulisya ng Canton na si Frederic Gisler na nagbukas na ng isang helpline para sa mga kamag-anak ng mga biktima.

"I can’t hide from you that we are all shaken by what happened overnight in Crans," sabi ni Gisler sa press conference.

"Our count is about 100 injured, most seriously, and unfortunately tens of people are presumed dead," dagdag niya. Dinala ang biktima sa mga ospital sa Sion, Lausanne, Geneva at Zurich.

Sinabi ng Italian foreign ministry na base sa impormasyong mula sa Swiss police, may humigit-kumulang 40 ang nasawi. Tumanggi naman si Gisler na magbigay ng eksaktong bilang.

Una rito, sinabi ng pulisya na maraming tao ang ginagamot dahil sa mga paso at tuluyang isinara ang lugar, kabilang ang pagpapatupad ng no-fly zone sa ibabaw ng Crans-Montana. Ayon sa mga awtoridad, 10 helicopter at 40 ambulansya ang ipinadala sa lugar.

"What was meant to be a moment of joy turned, on the first day of the year in Crans-Montana, into mourning that touches the entire country and far beyond," pahayag ni Swiss Federal President Guy Parmelin sa X, na nagpaabot ng pakikiramay sa mga biktima.

Sinabi ni Prosecutor Pilloud na sinisikap ng mga awtoridad na maibigay kaagad sa pamilya ang mga labi ang mga biktima.

"A lot of resources have been put into forensics to identify the victims. These resources are intended to allow us to get the bodies to the families as soon as possible," ayon kay Pilloud.

Sinabi naman ng Italian Foreign Minister na si Antonio Tajani na posibleng sanhi ng paputok ang sunog.

"It seems to have been an accident caused by a fire, by some explosion, by some firecracker thrown during New Year's celebrations," saad ni Sky TG24 tv channel ng Italy. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News