Nasa kritikal na kondisyon ang isang 13-anyos na bata na person with disability (PWD) matapos siyang masabugan ng paputok na napulot ng kaniyang kalaro at iniabot sa kaniya sa Barangay Pansol, Quezon City.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood ang video ng biktima at dalawa pang bata na nasa isang basketball court.

Ilang saglit lang, isa sa mga bata ang may pinulot na tila pahabang bagay malapit sa isang tricycle.

Saglit itong tiningnan ng bata, itinaktak at sinubukan pang sindihan. Ngunit nang walang nangyari, ipinasa niya ito sa biktimang PWD at sinindihan.

Doon na nangyari ang malakas na pagputok at nagtamo siya ng matinding tama sa hita at lapnos.

Nakalayo naman ang isang bata bago nangyari ang pagsabog.

Kaagad na tumakbo sa lugar ang kaniyang ama matapos malaman ang nangyari.

“Nu'ng makita ko 'yung anak ko, kasi tinakpan nila ng tela 'yung [sugat]. Kaya nu'ng [tiningnan] ko, parang nanginig ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. ‘Iuwi niyo na ako sa bahay, kaya ko ‘to.’ Sabi ko, ‘Sabog 'yung hita mo, kaya mo?’ ‘Oo, kaya ko,’ ‘yan ang sabi niya sa akin,” sabi ni Jonathan Pacheco, ama ng biktima.

Dinala sa ospital ang biktima na kritikal ang lagay at isinailalim sa operasyon. Sinisikap ng mga duktor na maisalba ang dalawa niyang paa.

“Sana 'yung nag-iwan ng paputok doon, makonsensiya naman kayo. Dahil nai-stroke 'yung anak ko. Kritikal na ngayon,” sabi ni Emily Pacheco, ina ng biktima.

Ganito rin ang pakiusap ng ina ng batang nadamay sa pagsabog.

“Pero 'yung mga iresponsable na tao, sana malasakit na lang para matapos na 'yung gano’ng klaseng mga insidente,” sabi ng inang si Rochelle.

Sinabi ng isang opisyal ng barangay na designated fireworks area ang lugar at nilinis naman ito matapos ang selebrasyon.

Wala rin anilang ginamit na malakas na paputok sa kanilang pagdiriwang.

Batay sa CCTV, posibleng fountain ang sumabog.

“Siguro, nag-fountain siya pero hindi siya sumabog. Hanggang sa nakita naman doon sa lugar, malinis na, hindi naman sukat akalain, nandu’n pala sa ilalim, gilid ng tricycle 'yung paputok at nakita ng bata,” sabi ni Jun Bala, ex-o ng Barangay Pansol.

Patuloy na nagpaalala ang mga awtoridad na huwag pupulutin ang anumang bagay na ginamit nitong pagsalubong ng Bagong Taon para maiwasan ang disgrasya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News