Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing biglang bumagsak ang lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala sa Barangay Pinagbarilan.
“Nakaupo po siya sa ilalim ng mangga. May upuan sila roon and then siguro may kausap siya and nagsi-celebrate nga po ng New Year's Eve,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jayson San Pedro, Chief of Police ng Baliwag, na kinumpirmang bigla na lamang bumagsak ang lalaki.
Agad nagsagawa ng imbestigasyon ang Baliwag Police matapos iulat sa kanila ang insidente at natunton ang posibleng pinagmulan ng putok ng baril.
Nang puntahan ng pulisya ang lugar, nagulat sila sa kanilang nakita.
“Napakadami pong basyo ng fired bullets ang natagpuan po natin sa harap ng bahay nila,” sabi ni San Pedro.
Lumabas sa imbestigasyon na nagmula sa isang 9 mm at .22 na baril ang mga narekober na basyo ng bala na hindi bababa sa 10.
Dinakip ang isang kagawad sa barangay, na isinuko ang mga nasabing baril na mga rehistrado, ayon sa pulisya.
“According to him, he just pointed ‘yung gun niya sa sapa, ‘yung irrigation canal in front of their house,” sabi ni San Pedro.
Tumangging magbigay ng pahayag sa camera ang naarestong kagawad.
Samantala, dalawang lalaki ang hinuli sa Sampaloc, Maynila dahil din sa pagpapaputok umano ng baril.
Nakuha sa mga suspek ang isang .45 na baril, siyam na basyo ng bala at isang magazine na may apat na bala.
Isang lalaki ang hinuli sa Barangay 118, Tondo matapos magpaputok din umano ng baril.
Inihahanda na ng Manila Police District ang mga isasampang kaso laban sa kanila.
Sa Kalibo, Aklan, nagsasagawa rin ng imbestigasyon sa tumamang ligaw ng bala sa isang bahay sa pagsalubong ng Bagong Taon, kung saan nabutas ang bubong at dumiretso ang bala sa sahig.
Wala namang naitalang sugatan sa insidente. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News

