Arestado sa Malolos, Bulacan ang isang lalaking Nepalese na wanted ng INTERPOL at itinuturing na leader ng isang extremist group sa kanilang bansa.

Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing tuluyang na-corner ng Philippine National Police at Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit ang priority target nilang 30-anyos na pugante.

“Itong Nepalese na ito na fugitive ay matagal na nating tinitiktikan nga umpisa nu’ng dumating siya dito noong August. Kasi kasama siya sa nag-organize ng mga kaguluhan sa Nepal noong tinatawag nga na Gen Z protest. So after nga noon, dito na siya lumipad sa atin at nagtago,” sabi ni Rendel Sy, hepe ng BI Fugitive Search Unit.

Hindi biro ang pag-track sa pugante na kahit nasa Pilipinas na, tuloy pa rin sa pagpaplano para maghasik ng kaguluhan sa kanilang bansa, batay sa mga e-mail na nakuha mula sa kaniya.


“Napaka-elusive niya although madalas siyang mag-post sa social media niya kasi nga dahil ito du’n sa mga online propaganda niya. Based sa INTERPOL diffusion na natanggap natin, sinasabing isa sa mga leader nitong extremist group sa Nepal kung saan siya ay naghihimok ng mga kabataan sa Nepal upang gumawa ng kaguluhan at sinasabi din na may plano silang patayin ang mga opisyal na Nepal at nalaman itong email na ito ay nanggaling sa kaniya,” sabi pa ni Sy.

Gumugulong na ang deportation dayuhang suspek, na nakabilanggo na sa BI detention facility sa Bicutan.

“Alamin din natin kung may mga local criminal case sila na kinasasangkutan dito. At kung ma-clear natin na wala naman, agad natin silang ipapa-deport pabalik ng Nepal,” sabi pa ni Sy. —Jamil Santos/ VAL GMA Integrated News