Anim na magkakaanak ang natagpuang patay at tadtad ng taga sa Gonzaga, Cagayan nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing nangyari ang masaker sa masukal na bahagi ng Sitio San Francisco sa nasabing bayan.
Natagpuan ang mga nakahandusay na katawan ng mag-asawang Dizon at Sany Oandasan, mga anak nilang sina Wilson, 13-anyos; Karen, 12; at Dizon Jr., 5.
Bangkay na rin nang makita ang lolo ng mga bata na si Juanito Soliva.
Sugatan din pero nakaligtas naman ang 3-anyos na anak ng mag-asawa na si Dennison.
Patuloy pa umanong inaalam ng pulisya kung sino ang nasa likod ng massacre.
Agawan sa lupa ang isa sa tinitingnang anggulo sa krimen.-- FRJ, GMA News
