Itinaya ng isang ina ang kaniyang buhay sa pagsagip ang kaniyang mga anak na muntik nang malunod sa beach kung saan idinaos ang maagang Christmas party ng isang grupo ng social workers sa Tangalan, Aklan.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang nasawing ina na si Alcer Ureta, na walong-buwang-buntis pa naman.
Nangyari ang insidente sa Jawili beach sa bayan ng Tangalan, kung saan napagkasunduan ng Federation of Social Workers ng bayan ng Lezo na ipagdiwang ang kanilang Christmas party na kasama ang kani-kanilang mga anak.
Ayon kay Pablito, asawa ni Ureta, bago ang trahediya ay masaya pang nag-selfie ang kaniyang misis kasama ang mga katrabaho.
Kasama rin nila sa naturang kasiyahan ang tatlo nilang anak, na kabilang sa iba pang bata na masayang nagtampisaw sa dagat.
Pero ilang saglit lang, napansin na nila na nalulunod na ang mga bata kaya kaniya-kaniya kilos ang mga magulang para sagipin ang kani-kanilang mga anak.
Kasama si Ureta sa sumaklolo pero hindi siya marunong lumangoy kaya maging siya ay tinangay ng malakas na alon ng dagat.
Nailigtas naman ang kaniyang mga anak, bagaman ang isa sa mga ito ay dinala sa ospital matapos magtamo ng mga sugat.
Samantala, patay din ang isang batang siyam na taong gulang na tinangay din ng alon sa naturang beach.
Natagpuan ang bangkay ng bata nitong Lunes.
Wala pang pahayag ang Federation of Social Workers kaugnay sa insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
