Patay ang isang gurong naka-angkas sa motorsiklo matapos silang masalpok ng truck sa Bugallon, Pangasinan. Sa Ilocos Sur naman, sugatan ang isang nagbibisikletang guro matapos baril ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo.

Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, kinilala ang guro na nasawi sa aksidente sa Bugallon na si Teresita Mercado.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinundo ng anak ang biktima at pauwi na nang mabangga ng truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa National Highway sa Barangay Salomague Sur.

Nalaglag mula sa motosiklo ang biktima na patagilid ang upo at nagulungan pa ng truck ang kaniyang katawan.

Nagtamo naman ng mga galos sa katawan pero nakaligtas ang anak ng guro.

Ayon sa pulisya, posibleng hindi napansin ng driver ng truck ang mga biktima dahil madilim sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

Pumayag naman umano ang pamilya ng biktima na makipag-areglo sa nakadisgrasyang driver.

Samantala, tatlong tama ng bala sa katawan ang tinamo ng 43-anyos na guro na si Rene Aquino, matapos pagbabaril ng mga nakatakas na salarin sa Narvacan, Ilocos Sur.

Nagbibisikleta umano ang biktima sa Sulvec Port Road, kasama ang  asawa nang lapitan sila ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo at basta na lang binaril ang Aquino.

Mabilis na dinala sa ospital ang biktima na patuloy na inoobserbahan.

Hindi naman nasaktan ang kaniyang asawa.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News