Apat na drug suspects ang napatay ng mga pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Talisay City sa lalawigan ng Cebu noong Miyerkoles.
Iniulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes na napatay sa engkuwentro ang apat na suspek at nakunan ng mga baril at mga pakete ng hinihinalang shabu.
Sa operasyon sa Hawod Compound sa Barangay Bulacao noong madaling-araw ng Miyerkoles, napatay ng mga pulis sina Rodel Nacario, 29, at Kevin Baguio.
Ayon kay Superintendent Marlu Conag, hepe ng Talisay City police, untouchable umano ang dalawa dahil may kapit ang mga ito sa mga malalakas na tao.
"Medyo mayayabang itong mga ‘to kasi according to them, pinagmamayabang nila na they have protectors behind their box kaya untouchables sila. Malalaki talaga. yung mga protector nila. So, it is possible na matagal na silang nag-operate dahil sa mga protectors nila noon.
Nakuha mula sa dalawa ang dalawang kalibre .38 revolvers at mahigit 30 sachets ng hinihinalang shabu.
Inamin ng mga kamag-anak na nagdodroga ang dalawa pero itinanggi nilang nanlaban ang mga ito sa pulis.
Samantala, patay din ang dalawang drug suspects sa operasyon ng mga pulis sa Sitio Mangilamon ng Barangay Jaclupan sa lungsod din ng Talisay.
Kinilala ang dalawa na sina Rodrigo Alvarez alias Ramel, at nakatatandang kapatid na si Victor Noel.
Nahuli naman ang nagpakilalang driver ng magkapatid na si Wilfredo Narsico, 46, at limang iba pa.
Namalayan uamano ng mga suspek ang operasyon at nanlaban ang mga ito, ayon sa mga pulis.
Nakumpiska mula sa kanila ang aabot sa 1.2 kilos ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P8.1 milyon na ibinaon pa umano sa lupa.
Noong nakaraang weekend naman sa Cebu City, naaresto sa isang operasyon isang beauty queen na nagbebenta ng party drugs.
Kinilala ang suspek na si Teri Colmenares na nahulihan din ng pake-paketeng ng marijuana.
Ayon kay Senior Superintendent Royina Garma ng Cebu City Police, hindi nagko-cooperate sa imbestigasyon ang nahuling suspek at inire-refer lang sila sa kanyang abogado. —LBG, GMA news
