Arestado ang dalawang umano'y drug suspects na nag-deliver ng droga sa kanilang mga parokyano sa isang mall sa Sta. Rosa, Laguna.
Sa ulat ni John Consulta sa "Unang Balita" nitong Miyerkoles ng umaga, sinabing nagkasa ng buy-bust operation ang mga pulis-Laguna nang makatunog na may gagawing transaksyon ng droga sa mall.
Ayon sa mga pulis, tatlong beses nagpalipat-lipat ng mall kung saan mag-deliver ang isang suspek upang maiwasan ang mga pulis.
Nang maisagawa ang abutan ng droga and suspek at ang undercover-buyer sa labas ng mall, agad na inaresto ang 54-anyos na si Merlita Fabian.
Pahayag ng suspek, para umano sa mga parokyano na babatak sa Christmas party ang droga.
Dagdag niya, hindi raw niya alam ang laman ng package na ipinadala lamang sa kaniya.
"Napilitan lang po akong tanggapin yung ganun. Pambili po ng pagkain ngayong noche buena," dagdag niya.
Samantala, arestado rin ang isang suspek na kinilalang si Aleni Raymundo, isang masahista, matapos din umanong mag-deliver ng droga sa isang parokyano.
Depensa ng suspek, pumasok siya sa ganitong kalakalan upang mabigyan niya ng pamasko ang kaniyang mga inaanak.
"Bibigyan ko po yung inaanak ko ng sapatos, yung tatlong bata po. Bumibili po ako ng kapiraso tapos pinapaikot ko lang yun. Hindi ko naibili yung mga bata," pahayag ni Raymundo.
Nagkunwari siyang mamimili pero yun pala ay magde-deliver na ng droga," pahayag ng mga pulis.
Dagdag nila, kahit pasko tumututok pa rin sila sa mga gustong magbenta ng ipinagbabawal na gamot.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa section 5 ng Dangerous Drugs Act, at walang piyansa ang kaso. —LBG, GMA News
