Arestado ang isang lalaki dahil umano sa panggagahasa sa 13-anyos na dalagita sa Barangay La Medalla sa Baao, Camarines Sur, ayon sa ulat ng "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes.
Ayon sa pulisya, nito pang Enero nangyari ang panghahalay ng 60-anyos na si Marcelo Boslon sa 13-anyos na dalagita.
Kuwento ng biktima, bigla siyang hinila ni Boslon papunta sa isang kubo kung saan siya hinalay.
Nagsusumigaw ang dalagita ngunit walang taong nakapansin dahil daw sa malakas na radyo doon.
Matapos ang panghahalay, binigyan pa raw ng pera ni Boslon ang biktima pero hindi raw ito tinanggap ng dalagita.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang ng biktima at iginiit niya na galit lang daw sa kanya ang dalagita dahil nahuli niya raw itong may kasamang lalaki at gumagawa ng kahalayan.
Nakakulong na ang suspek na nahaharap sa reklamo. —Joviland Rita/ LDF, GMA News
