Nahuli-cam ang pagnanakaw ng isang binatilyo sa isang computer shop sa Calasiao, Pangasinan. Ang suspek, ikatlong beses na raw umatake sa naturang establisimyento.

Ayon sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon ng RTV-Amianan sa "Balita Pilipas Ngayon" nitong Martes, nakita sa CCTV ang suspek nang buksan ang kaha na lagayan ng mga barya na pisonet computer.

Ibinalik pa niya ang pagkakaayos ng computer matapos kunin ang laman ng coin slot pero sinira rin niya ang kable ng nakakabit dito na headset.

Sa tulong ng CCTV, natukoy ng may-ari ng computer shop ang nanloob sa establisyimento.

May dalawa pa umanong menor de edad na kasabwat ang binatilyo.

Ito na raw ang pangatlong beses na umatake sa naturang computer shop ang mga suspek at mahigit sampung libong piso na ang natangay nila.

Naidulog na ng biktima ang insidente sa pamunuan ng barangay at pinagsabihan na lang muna umano ang mga menor de edad pati ang kanilang mga magulang.

Sa susunod na maulit ang kanilang iligal na aktibidad, ipapaubaya na raw ang mga binatilyo sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development. --Dona Magsino/FRJ, GMA News