Na-hulicam ang isang sundalong nagpaputok ng kanyang baril sa nakaalitan na kapitbahay sa Baganga, Davao Oriental.

Sa ulat ni Mark Salazar sa "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV footage ang insidente sa labas ng isang sari-sari store bandang alas-8 ng gabi noong Pasko.

Makikita na nilapitan ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang dalawang lalaki na naka-upo. Pagbaba ng angkas, ikinasa niya ang dala niyang baril at pinaputok ito sa gilid ng isa sa mga lalaking nakaupo. Maya-maya ay bumaba rin ang nagmaneho ng motorsiklo at pinagbubugbog ang mga nakaupong lalaki.

Ayon sa mga awtoridad, may personal na away ang mga suspek at biktimang magkapitbahay.

Kinilala ang nagpaputok ng baril bilang si Private First Class (PFC) Junifort Agustin ng 67th Infantry Battalion na nadestino sa Baganga.

Kinilala rin ang lalaking nambugbog  bilang si Marlon dela Torre na isang rebel returnee.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung lisensiyado ang dalang baril ng Agustin.

Nagpapagaling naman ang mga biktima sa kanilang bahay.

"Ito ay hindi indiscriminate firing because siya ay involved sa isang away sa kanyang kapitbahay," sabi ni Police Chief Inspector Marcelo Morales, director ng Police Regional Office Region XI.

Sinampahan na ng kasong physical injuries ang sundalo at kasama nito.

Haharapin rin ni Agustin ang dagdag pa na kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.

Ayon kay 10th Infantry Division commander Brigadier General Jose Faustino, Jr., "Hindi naman ito-tolerate 'to."

"In fact pag once nahuli yan ng PNP kung ano yung sanctions yun talaga aside sa sanction na ibibigay namin. Pag nagkamali talaga ang mga sundalo, like nahuli sa drugs, we will never tolerate it," dagdag pa ng commander. —Margaret Claire Layug/ LDF, GMA News