Hindi nakalabas at tuluyang nasawi sa nasunog nilang bahay ang isang lola, kasama ang kaniyang apo at pamangkin, sa Lapu-lapu City, Cebu.

Sa ulat ni Chona Carreon ng RTV-Balitang Bistak sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na Rosalinda Armilla, 55- anyos, pamangkin niyang si Desiree Jalipot, 14-anyos, at apong si Aaleyah Jean Inoc, pitong-taong-gulang. 

Nakita umano ang mga katawan ng mga biktima sa ikalawang palapag ng bahay na "burned beyond recognition.”

“Ang lola at ang kaniyang apo dito malapit sa bintana ng internet shop. Baka nag-attempt sila na sirain ang bintana, lalabas sila.  Tapos yung pamangkin na 14-anyos, nagtago sa ilalim ng mesa,’ sabi ni Senior Fire Officer 1 Hadji Samonte.

Ang nag-overheat na appliance na hindi nabunot sa saksakan ang hinihinalang dahilan ng sunog.

Nadamay din sa sunog ang katabing townhouse at tinatayang aabot sa P300, 000 naman ang halaga ng kagamitang napinsala. --Joviland Rita/FRJ, GMA News