Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group na sakay ng motorsiklo matapos na makipagbarilan umano sa mga pulis na naghinala sa kanilang kilos sa Cabugao, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing namataan ng mga nagpapatrolyang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes ng gabi ang dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklong walang plaka.
Tila may minamanmanan umano ang mga suspek kaya nagpasya ang mga awtoridad na sundan ang dalawa nang bigla raw magpaputok ng baril ang nakaangkas na lalaki.
Tinangka pa raw ng dalawa na lumusot sa bulubunduking bahagi ng Barangay Pug-os para tumakas pero nang gumanti ng putok ang mga awtoridad, doon na napatay ang mga suspek.
Sa paunang imbestigasyon na ginawa ng mga pulis, lumilitaw na miyembro umano ng Benzon Alviento gun-for-hire group ang dalawa.
"Noong na-sense nila na sinusundan sila ng patrol car, doon na sila nakipagpalitan ng putok,” sabi ng officer-in-charge ng Cabugao Police na si Police Senior Inspector Pol Areola.
Tinamaan din ng mga bala ang sasakyan ng CIDG pero wala namang nasugatan.
Narekober ng mga awtoridad sa mga suspek ang isang kalibre .38 at kalibre .45 na baril. May nakuha ring mga ID pero aalamin pa kung pag-aari ito ng dalawa.
Iimbestigahan ng awtoridad kung sino ang posibleng target ng dalawang suspek.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News
