Nagtamo ng mga sugat sa mukha ang isang mag-ama matapos umano silang sadyang sagiin ng isang bus habang sakay sila ng motorsiklo sa Tarlac. Pero ang driver ng bus, iba ang kuwento at sinabing lasing daw ang mag-ama.

Ayon sa ulat ni Glam Calicdan-Dizon ng RTV-Amianan  sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, ipinakita ang mga sugat sa mukha na tinamo ni Richard Gregorio at anak niyang si Nelson dahil sa insidenteng nangyari sa isang bahagi ng National Highway sa Barangay Sta. Ignacia, Tarlac.

"Nagkaduruan lang po doon sa kuwan, at nag-counterflow nga siya [bus]. Tapos noong inaawat ko 'tong mga anak ko, eh 'di tapos nung pinaabante na namin ang bus, ayaw umabante," kuwento ni Richard. 

Sinundan pa raw sila ng bus at saka sila sadyang sinagi kaya nagtamo sila ng mga sugat sa mukha at katawan.

"Paglingon ko sa side mirror, eh 'yun, tumama na po," sabi pa ng ama.

Tumakas pa raw ang bus pero hinabol nila at naabutan sa isang palengke kung saan may mga nakahimpil na pulis kaya naaresto ang driver na si Edgar Bombarda.

Itinanggi naman ni Bombarda ang alegasyon ng mag-ama at sinabing may naunang nakaaway na jeepney driver ang dalawa.

Kinalampag din umano ng mag-ama ang kaniyang bus at binato ang salamin ng bus kaya nabasag.

"No'ng hindi niya mahabol [yung jeepney driver], kami ang kasunod... parang kami ngayon ang napag-initan, hinarang 'yong single nila. Talagang kinakalampag 'yung isa. 'yung pangatlo, mainit masyado, pinababa kami. Tinutulak ang pintuan. Hindi niya maitulak, kumuha ng bato kaya basag," kuwento ni Bombarda.

Patuloy ang pag-imbestiga ng pulisya kung sino ang may kasalanan sa magkabilang panig. -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News