Mahigit isandaang pamilya ang nawalan ng tirahan matapos lamunin ng apoy ang kani-kanilang mga tahanan sa Barangay Paliwas, Obando, Bulacan nitong Linggo ng gabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-Obando, Bulacan, nagsimula ang sunog mag-aalas diyes ng gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog. Pero ayon sa ilang residente, sa naiwang kandila raw mula sa isang bahay nagmula ang sunog.

Dahil dikit-dikit ang mga bahay na gawa pa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy.

Umabot ito sa ikatlong alarma.

 

 

Mahigit 40 fire trucks na galing pa sa mga kalapit na siyudad at munisipyo ang rumesponde sa sunog.

Nahirapan daw ang mga bumbero na apulahin ang sunog.

Halos dalawa’t kalahating oras din ang inabot bago tuluyang naapula ang sunog. Nagdeklara ang BFP ng fire out ng 12:25 a.m. nitong Lunes.

Wala pa namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Ang mga residente ay pansamantala munang tutuloy sa evacuation center ng munisipyo.

Binigyan na raw sila ng paunang tulong ng lokal na pamahalaan pero nananawagan pa rin ang mga opisyal ng Obando para sa mga nais tumulong sa mga nasunugan. —KG, GMA News