Arestado ang isang tatay sa Cebu matapos isumbong ng kaniyang 13-anyos na anak na babae ng panggagahasa. Inaresto rin ang ina ng bata dahil pagsasawalang-kibo nito.

Iniulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes na ang guro ng biktima ang nagsumbong sa mga awtoridad nang malaman niya ang sitwasyon ng bata.

Napansin umano ng class adviser ng bata na nagbago ang mga ikinikilos ng 13-anyos niyang estudyante.

Kinausap niya ito at doon na nagkwento ang bata na maraming beses na pala siyang ginahasa ng sarili niyang ama.

"Hindi talaga siya nagsusumbong. Ipinatawag ko siya dahil laging tulala," ayon sa adviser.

Dumulog sa mga pulis ang guro. At agad namang nagkasa ng operasyon ang mga pulis at mga barangay tanod.

Mabilis namang nahuli ang suspek doon mismo sa kanilang bahay. Inaresto din ang nanay ng bata.

"Hindi rin namin tino-tolerate yung ginawa ng nanay na hindi niya nire-report 'yung nangyayari. Kung 'di pa dahil sa teacher hindi pa namin nalaman," pahayag ni Chief Inspector Dindo Juanito Alaras, hepe ng Mabolo Police Stattion.

Mariing itinaggi ng suspek ang alegasyon.

Aniya, kahit sa iisang kwarto lang sila natutulog ay wala siyang ginagawang masama sa biktima.

"Wala talaga akong alam sa nangyari, mahal na mahal namin 'yan bunso namin 'yan eh," pahayag ng ama.

"May mga pagkakataon na napapagalitan ko siya dahil ayaw ko siyang mapabarkada. 'Di naman kasi kami talaga taga rito," dagdag ng tatay.

Isasailalim sa psychological intervention ang biktima, ayon sa mga awtoridad. —LBG, GMA News