Isang Baleen whale na may habang 36 na talampakan ang natagpuang patay sa baybayin ng Isla de Higantes sa Carles, Iloilo.  Sa baybayin naman ng Camarines Sur, isang dolphin ang nakitang patay din.

Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Miyerkules, sinabing naninirahan daw ang balyena sa pinakamalalim na bahagi ng dagat pero posibleng umakyat  sa ibabaw ng karagatan para maghanap ng pagkain.

Hindi naman sinabi sa ulat kung ano ang posibleng dahilan ng pagkamatay ng balyena.

Ipapaubaya na raw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa lokal na pamahalaan kung ililibing o ipe-preserve ang balyena.

Sa hiwalay na ulat, isang patay na dolphin ang napadpad sa baybayin ng Magais Uno, Del Gallego sa Camarines Sur na posible raw tinamaan ng dinamita ng mga iligal na nangingisda sa lugar.

May nakita raw kasing mga mga sugat at dugo sa katawan ng dolphin.

Kahit ipinagbabawal na, may mga mangingisda pa rin daw na gumagamit ng dinamita sa panghuhuli ng mga isda.

Kaya nanawagan sa lokal na pamahalaan ang mga residente nakakita sa dolphin na papanagutin ang mga may sala para hindi na maulit ang nangyari.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News