Namumula ang mata at may mga galos sa katawan ang isang 17-anyos na buntis matapos umano siyang bugbugin ng magka-live in sa San Jacinto, Pangasinan dahil pinaghinalaang magnanakaw.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga suspek na sina Felipe Arcangel at Belen Roa, na sinasabing nambugbog sa biktimang tatlong buwang buntis.

Pumunta raw ang buntis sa isang compound upang kumustahin ang isang kaibigan ngunit hinarang siya ng dalawang suspek at saka pinagsisipa, at sinuntok pa.

Ayon sa pulisya, pinagbibintangan ng magka-live in na magnanakaw ang buntis na itinanggi naman ng biktima.

Iginiit pa ng suspek na ang biktima at ang magulang nito ang sumugod sa kanila kaya idinepensa nila ang sarili.

"Kasi nahawakan din 'yung buhok ko, dalawa sila. Kaya lumaban na rin ako, Siyempre sumugod sila doon sa bahay," sabi ni Roa.

Paliwanag naman ni Arcangel, "Ewan ko sa kanila, dinadamay lang ako siguro. Paggising kong ganiyan nandiyan na 'yung tatay niya. 'Ayaw ko ng gulo!' sabi ko. 'Pak!' bigla kaagad dito oh (sabay hawak niya sa labi)."

Sa kabila ng mga paliwanag ng mga suspek, desidido ang mga kaanak ng biktima na sampahan ng kaso ang dalawa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News