Tila nakaranas ng matinding trauma ang isang 11-anyos na batang babae matapos na may humintong van sa kaniyang harapan sa labas lang ng paaralan at pilit siyang pinapasakay ng lalaki sa Lapu-lapu City, Cebu.


Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, itinago ang biktima sa pangalang "Dina,"  ayaw na niyang pumasok dahil sa takot bunga ng insidenteng nangyari noong Huwebes ng tanghali.

"May sasakyan na huminto tapos sabi niya, 'Halika iha, sumakay ka kasi andun yung mama mo.' Sabi ko, 'ayoko kuya.' Tumakbo ako papuntang classroom," paglalahad ni Dina.

Ayon pa biktima, may iba pang estudyante na kasabay  nitong lumabas sa paaralan at kinumbinsi rin daw ng driver na sumakay sa van.

Kinumpirma naman ng principal ng Pajac Elementary School na si Susana Amora, ang insidente na nangyari pagkatapos daw ng kanilang school activity.

Pero hindi raw namalayan ng kanilang school guard ang nangyari.

Sabi naman ina ng biktima, nag-alala siya nang makitang umiiyak na ang kaniyang anak kaya ipina-blotter nila ang insidente.

Bagaman natatakot ang bata na pumasok muli, nais naman ng ina na makatapos ng pag-aaral ang kaniyang anak.

Samantala, hindi pa makumpirma ng hepe ng Mactan police station kung kaso ba talaga ito ng attempted kidnapping ang nangyari at patuloy ang kanilang imbestigasyon kung intensyon talaga ng sakay ng van na dukutin ang bata.

Walang CCTV na malapit sa paaralan pero nakunan sa ibang CCTV sa ibang lugar na may dalawang puting van na dumaan sa Fuentes road na papunta sa paaralan.-- FRJ, GMA News