Arestado sa buy-bust operation ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) dahil sa pagtutulak umano ng shabu sa Valenzuela City. Ang suspek, sinabing napilitan na magbenta ng droga dahil wala nang trabaho matapos mabigo sa pakikipagsapalaran sa Saudi Arabia.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nadakip si Jenny Ann Alvarez nitong Lunes ng gabi sa Barangay Marulas sa nabanggit na lungsod.

"Ang source naman niya dito ay doon sa Malolos Provincial Jail (Bulacan Provincial Jail), yung mga items,” sabi ni Senior Superintendent David Nicolas Poklay.

Dagdag ng opisyal, “Alarming po dahil unang-una, it’s a government institution, dapat controlled. So we will coordinate with Bulacan PPO (Police Provincial Office) at government agencies para ma-trace kung saan ba nanggagaling yung binebenta ni Jenny Anne.”

Aabot umano sa P110, 000 ang halaga ng shabung narekober mula kay Alvarez.

Inamin naman ni Alvarez na sangkot siya sa pagtutulak ng droga para masuportahan daw ang pangangailangan ng pamilya at ina niyang may sakit.

"Wala po kasi akong trabaho, kasi galing po akong Saudi e, di ako pinalad. Kasi may sakit po yung nanay ko tapos yung  mga anak ko kailangan ng support,” paliwanag ng supek.

Itinanggi naman ng suspek na galing sa mismong kulungan ang mga binebenta niyang shabu.

Naniniwala naman ang pulisya na may mga kasamahan pa si Alvarez kaya patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News