Masama ang loob ng isang 75-anyos na ginang sa Pangasinan dahil sa ginawa sa kaniyang pananakit ng sariling anak nang hindi niya ito pautangin na inuubos lang daw sa sugal. Sa kabila ng nangyari, nanaig pa rin ang pagiging ina ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV 'Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing nagtamo ng mga sugat at pasa ang ginang matapos bugbugin, batuhin, sabunutan at inuntog pa ang kaniyang sariling 41-anyos na anak sa San Manuel, Pangasinan.

Ayon sa biktima, nagalit ang kaniyang nang hindi niya ito pautangin ng pera.

"Masakit sir talaga ang anuhin ng anak. Inalagaan mo nang maraming taon at kapag malaki na sasaktan ka. Mahirap talaga sir," hinanakit ng ginang.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, lulong sa sugal ang suspek, na ang OFW ang asawa.

"Ang asawa nito ay OFW. Tuwing nagpapadala [ng pera] inuubos niya sa sugal. Kapag natatalo humihingi at sinasaktan niya magulang niya," Police Inspector Gilbert Ferrer,  OIC, San Manuel Police.

Sa kabila ng nagawa ng anak, pinatawad na raw ito ng ina at hindi na nagsampa ng reklamo.

Sinikip naman ng GMA News na kunin ang panig ng suspek pero wala ito sa kaniyang bahay.-- FRJ, GMA News