Posible umanong gumamit ng asido ang mga salarin sa ginawang pagtanggal sa mukha ng 16-anyos na babae na nakitang patay at walang saplot pang-ibaba sa  Lapu-lapu City, Cebu nitong Lunes.

Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina ng RTV-Balitang Bisdak sa "24 Oras" nitong Martes, sinabing batay sa resulta ng awtopsiya sa bangkay ni Christine Lee Silawan, nagtamo ang biktima ng nasa 30 saksak.

Bukod pa rito, malinis din umano ang pagkakatanggal sa kaniyang mukha na kita na ang kaniyang bungo.

Ayon kay Police Superintendent Benjamin Lara, Chief Cebu Provincial Crime Laboratory, hindi nila inaalis ang posibilidad na gumami ng "corrosive material" ang mga salarin dahil malinis umano ang pagkakatanggal ng balat nito sa ulo.

Bagaman walang saplot na pang-ibaba ang biktima nang matagpuan, hindi pa matiyak ng mga awtoridad kung ginahasa ang dalagita.

Mayroon din umanong nakuhang underwear, ID at iba pang mga gamit malapit sa crime scene pero hindi raw ito pag-aari ng biktima.

Hinala ng mga awtoridad, maaaring paraan umano ng mga salarin ang pag-iiwan ng mga gamit para lituhin ang mga imbestigador.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na pinatay sa ibang lugar ang biktima bago iniwan sa bakanteng lote.

May hawak na ring daw na CCTV ang pulisya kung saan makikita daw ang biktima na kusang sumama sa isang naka-motorsiklo.

Samantala, nag-alok ang lokal na pamahalaan ng P100,000 bilang pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga salarin.

Sinabi ng pulisya na tatlo ang hinahanap nilang "persons of interest" na karumal-dumal na krimen.-- FRJ, GMA News