Mahigit 1,000 riders mula sa mga probinsiya ng Quezon, Batangas at Laguna ang nagsama-sama upang makiisa sa isang unity ride na ginanap sa bayan ng Tiaong, Quezon nitong Linggo ng umaga.

Ang unity ride ay ginawa bilang protesta laban sa Motorcycle Crime Prevention Act o "doble plaka" law.

Sa bayan ng Tiaong ginanap ang unity ride dahil ito ang pinakamalapit sa Batangas at Laguna.

Nagsimula ang unity ride alas-7 ng umaga at pagkatapos nito ay nagkaroon ng maikling programa.

 

 

Umikot ang mga riders sa buong bayan ng Tiaong. Pinatunog din nila nang malakas ang busina ng kanilang mga motorsiklo.

Panawagan ng mga riders ay huwag ipatupad ang “doble plaka” law dahil lubha itong mapanganib.

Hindi raw sila kriminal kung kaya huwag raw silang idamay.

Hindi raw sila titigil sa mga kilos protesta.

Natapos ang programa bago magtanghali.

Samantala, mahigit 10,000 motorcycle rider din ang nagsagawa ng unity ride nitong Linggo ng umaga mula sa People Power Monument sa EDSA hanggang sa Senado sa Pasay City upang iprotesta ang nasabing batas. —KG, GMA News