Ginahasa at pinatay sa sakal ng dalawang lalaki ang isang 15-anyos na babae sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa ulat sa GMA News TV "Balitanghali Weekend" nitong Linggo, nanloob para magnakaw sa tindahan ng pamilya ng biktima ang mga suspek.
Naunang sumuko sa pulisya ang isang menor de edad na suspek at sinabing napilitan lang siyang sumama sa planong pagnanakaw ng kasabwat niyang si Zyriel Limos.
Natanggal daw nila ang kandado sa pinto ng tindahan matapos nilang mabuksan ang bintana nito pero nagising umano ang natutulog na biktimang si Janna Mae Rico.
Ayon sa menor de edad, si Limos ang sumakal at nanggahasa sa biktima pero itinanggi ito ni Limos at sinabing binaligtad ng kaniyang kasama ang kwento.
Mahaharap ang dalawa sa kasong robbery with rape and homicide. Ililipat muna sa kustodiya ng DSWD ang isa sa kanila dahil menor de edad pa. — Dona Magsino/BM, GMA News
