Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin ng kaalitan sa mismong bisperas ng kaniyang kaarawan sa Lipa City sa Batangas.

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nakikipag-inuman sa kaniyang mga kaibigan ang biktimang si Wilson de Ramos nang dumating ang suspek na si Manolito Panganiban at bigla siyang binaril sa ulo.

Kaagad na namatay ang biktima at mabilis namang tumakas ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad.

Personal na alitan ang isa sa mga nakikita ng pulisya na motibo sa krimen.

Samantala, isang lalaki naman na hindi umano pinautang sa tindahan ang nagwala at napatay ng isang pulis sa Vigan, Ilocos Sur.

Ayon sa ulat, idineklarang dead on arrival sa ospital ang carwash boy na si Randy Fabrigas nang mabaril ni Police Officer 1 Jefferson Ardiosa.

Nakainom daw si Fabrigas nang subukan nitong mangutang sa isang tindahan pero hindi siya pinagbigyan kaya kumuha ng bolo at nagwala.

Humingi ng tulong ang mga residente sa off duty noong pulis na si Ardiosa para awatin si Fabrigas. Pero sa halip na kumalma, tinangka raw nitong tagain ang pulis kaya binaril siya sa balikat at ulo.

Plano ng mga kaanak ni Fabrigas na kasuhan si Ardiosa, na iginiit na self-defense ang kaniyang ginawa.-- FRJ, GMA News