GUINAYANGAN, Quezon - Dead on the spot ang isang negosyante habang sugatan naman ang kanyang driver matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang multicab sa Barangay San Antonio, Guinayangan, Quezon nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa Guinayangan Police, patungo sa Gumaca, Quezon ang mga biktima upang kumuha ng kalakal.

May iniwasan raw silang kasalubong na sasakyan at nawalan ng kontrol kung kaya dumiretso ang multicab sa bangin na may taas na 30 metro.

 

Nahulog ang multicab na ito sa isang bangin sa Barangay San Antonio, Guinayangan, Quezon nitong Lunes, Mayo 20, 2019, matapos iwasan ang isang nakasalubong na sasakyan. Photo courtesy: Guinayangan MPA

 

Sugatan ang driver ng multicab na kinilalang si Mario Manalo na kaagad naisugod sa pagamutan.

Patay naman ang negosyanteng pasahero na naipit sa loob ng sasakyan.

Hindi naman matukoy ng nakaligtas na driver kung sino ang kanyang nakasalubong na iniwasan. —KG, GMA News