Patay ang driver ng pampasaherong bus matapos itong salpukin ng isang trailer truck sa Diversion Road, Barangay Sta. Catalina, Atimonan, Quezon, nitong Lunes ng madaling araw.
Tatlo ang naitalang namatay sa aksidente.
Isang babaeng pasahero ang nasawi sa Quezon Medical Center sa Lucena City.
Sugatan naman ang hindi bababa sa 57 pasahero ng Mark Eve’s Transit bus na karamihan ay nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. Pito sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.
Isang pasahero ang naitalang nawawala at pinaniniwalaan na natabunan ng mga karga ng trailer truck.
Nanggaling sa Pilar, Sorsogon, ang bus at patungo sana sa Maynila nang salpukin ito ng trailer truck na galing Maynila at patungo namang Bicol.
Sa lakas ng pagsalpok ay nakaladkad pa ang pampasaherong bus sa gilid ng highway habang tumagilid naman ang trailer truck.
Wasak na wasak ang unahang bahagi ng truck ganon rin ang bus.
Tumagal ng halos dalawang oras bago nakuha ang driver ng trailer truck na naipit sa unahan.
Nagkalat sa highway ang mga basag na bote na karga ng trailer truck. Putol rin ang isang poste ng Quezon Electric Cooperative na nahagip ng truck.
Ang mga sugatan ay isinugod sa mga pagamutan sa Atimonan, Quezon. Ang ibang sugatan na nagtamo ng grabeng pinsala ay inilipat sa mas malaking pagamutan sa Lucena City.
Nakatakdang magsasagawa ng retrieval operation ang MDRRMO Atimonan sa lugar ng aksidente sa Martes. —Peewee Bacuño/KBK/BAP, GMA News
