Umakyat na sa anim ang bilang ng mga namatay sa malagim na banggaan sa pagitan ng isang pampasaherong bus at isang truck nitong Lunes sa Atimonan, Quezon.

Sa pagpapatuloy ng clearing operation nitong Martes nang umaga, dalawa pang bangkay ang natagpuan ng rescuers sa lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Natabunan ang mga bangkay ng dalawang lalaki—isang pasahero at pahinante ng truck—ng mga karga ng trailer truck kaya't hindi agad sila nakita.

Isa pang biktima ang namatay sa pagamutan sa Lucena City nitong Martes.

Bago ito, dalawa katao ang dead on the spot samantalang isa naman ang pumanaw habang nasa ospital.

Sugatan naman ang hindi bababa sa 57 katao, na pawang mga pasahero ng Mark Eve’s Transit bus.

Nanggaling sa Pilar, Sorsogon, ang bus at patungo sana sa Maynila nang salpukin ito ng trailer truck na galing Maynila at patungo namang Bicol.

Sa lakas ng pagsalpok ay nakaladkad pa ang pampasaherong bus sa gilid ng highway habang tumagilid naman ang trailer truck.

Wasak na wasak ang unahang bahagi ng truck ganon rin ang bus. —Peewee Bacuño/KBK/KG, GMA News