Binaril ng isang kuya ang kaniyang kapatid sa Iloilo City, sa gitna ng pagtatalo sa perang padala para sa kanilang ama.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles ng umaga, kinialala ang biktima na si Leonel Dolendo, 28, at ang suspek ay ang kaniyang kuya na si Jaime Dolendo, 33. Nangyari ang pamamaril sa Barangay Tanza Bonifacio ng lungsod.

Sa inisyal ng imbestigasyon ng mga pulis-Iloilo at batay na rin sa salaysay ng mga kapitbahay, maaga pa lang umano nagpunta ang biktima sa bahay ng kuya at narinig nilang nag-aaway ang dalawa.

At sa gitna ng pagtatalo binaril ni Jaime ang nakababatang si Leonel, na agad namang nakatakbo at nakahingi ng saklolo.

Naisugod sa pagamutan ang biktima at ngayon ay ligtas na umano ang kalagayan.

Pahayag ni Police Lieutenant Colonel Jonathan Pablito ng Iloilo Police Precinct 1, "Ang cause ng kanilang hindi pagkakaintindihan ay tungkol sa pera. Allegedly, yung pera ng father nila ay nai-invest nitong suspek sa kanyang computer shop."

Ipinadala umano ng biktima ang pera para sa kaniyang ama. Ngunit hindi ito ibinigay ng suspek.

Narekober sa suspek ang ginamit na baril nang boluntaryo itong sumuko. —LBG, GMA News