Nalunod ang tatlong babaeng estudyante sa ilog hindi kalayuan sa kanilang paaralan sa Itogon, Benguet noong Biyernes.
Sa imbestigasyon ng Itogon Municipal Police Station, kinilala ang mga biktima na sina Angel Hernandez, Grade 9; Dickzy Mae Catos, Grade 7; at Kyla Mae Fernandez, Grade 9.
Photo courtesy by Donald SorianoAyon sa mga pulis, nangyari ang trahedya pasado alas-nuebe ng umaga noong. Nagtungo umano sa may ilog ang apat na magkaka-klase na pawang menor de edad upang manguha ng kahoy.
Nagpasya raw ang tatlo sa apat na lumangoy sa ilog, ayon umano sa pang-apat na hindi sumamang lumangoy.
Una raw na nalunod ang isang bata at tinangkang sagipin ng dalawang kasama. Ngunit, nalunod din ang dalawa, hanggang sa silang tatlo ay hindi na makita.
Agad umanong humingi ng saklolo ang isang bata na hindi lumangoy. Pasado alas-dies na ng umaga ng makuha nga rescuers ang mga katawan ng tatlong bata na magkakahawak pa ang mga kamay.
Sinubukan pa silang dalhin sa pagamutan subalit idineklara na silang dead on arrival.
Mahigit isang oras daw ang biyahe mula sa lugar kung saan nalunod ang mga bata patungo sa pagamutan.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang PNP upang alamin kung bakit pinayagang lumabas ang mga bata upang manguha ng kahoy.
Ang tatlong batang nasawi ay magaaral ng Bless His Place Academy sa Dalupirip, Itogon. —LBG, GMA News


