Kalunos-lunos ang sinapit ng mag-asawang senior citizen na matapos silang harangin ng mga kapitbahay na salarin at pagpapaluin sa ulo ng kahoy na may kadena sa Meycauayan, Bulacan. Ang hinihinalang ugat ng krimen, ang pagbabawal sa mga salarin na kumuha ng mga mangga sa bakod ng mga biktima.

Sa ulat ng GMA News Tv "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Estelita at Felix Bernabe Sr., residente ng Barangay Malhacan.

Lumitaw sa imbestigasyon na papunta sa palengke ang mag-asawa sakay ng tricycle nang harangin sila ng mga salarin at pagpapaluin sa ulo nitong Lunes ng madaling araw na kaagad nilang ikinamatay

Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nadakip ang apat na suspek, na tatlo ay mag-aama.

Ayon sa anak ng mga biktima, pinagbabawalan ng kaniyang mga magulang ang mga suspek na kumuha ng mangga sa bakuran dahil sumasampa ang mga ito sa kanilang bubungan.

Giit naman ng amang suspek, na ang anak niyang menor de edad at kaibigan nitong menor de edad din ang may gawa ng krimen.

Paliwanag naman ng ina ng isa sa mga suspek, napagbitangan lang ang kaniyang anak.

Sa hiwalay na ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ng isa pang anak ng biktima na matinding pinsala sa mukha at ulo ang tinamo ng kaniyang mga magulang.

"'Yung nanay ko nakatihaya, nilapitan ko talaga kasi punong-puno ng dugo 'yung mukha niya tapos basag po 'yung mata. 'Yung tatay ko po biyak po 'yung dito saka dito (panga) biyak po saka 'yung ulo po niya magang-maga sa palo," anang anak.

Pero ayon sa pulisya, nagsabwatan ang apat batay na rin sa saksi na nakakita umano sa mga ito.

Humingi ng tawad ang mga salarin sa pamilya ng nasawing mag-asawa pero desidido silang magsampa ng kaso.

Sumailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek, at dadalhin ang mga menor de edad sa DSWD.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News