Nakunan ng CCTV ang panloloob sa isang bahay sa Quezon ng isang lalaking nag-sign of the cross pa bago ang tangkang pagnanakaw, ayon sa ulat ni Susan Enriquez sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.

Makikita sa kuha ng CCTV na may isang lalaking nakatambay sa labas ng isang bahay sa Barangay Isabang sa Tayabas City habang mahimbing ang tulog ng mga nakatira rito.

Ipinarada ng lalaking nakasumbrero ang sinasakyan niyang motorsiklo at saka inakyat ang pader na bakod ng bahay.

Pero bago ang tangkang pagnanakaw, nag-sign of the cross pa muna siya.

Nilibot ng lalaki ang bahay, sinipat ang mga sasakyan at binasag ang bintana ng isang SUV.

Bumalik siya kung saan siya unang umakyat at doon nag-sign of the cross ulit ang lalaki, bago subukang akyatin ang mga silid sa itaas ng bahay.

Pagkatapos, umalis na ang salarin.

Ayon sa uploader, wala namang kahit anong nawala sa bahay nila.

Inaalam na ang pagkakakilanlan ng lalaking nanloob. —Joviland Rita/KG, GMA News