Patay ang isang 7-anyos na lalaki sa lalawigan ng Quezon dahil sa rabies matapos makagat ng alagang tuta.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, kinilala ang biktima na si Kenneth Brios ng Barangay Casispalan sa bayan ng Tagkawayan.

Ayon sa mga awtoridad, noong ika-27 ng Mayo 2019 nakagat ang mukha ng biktima ng kanyang alagang tuta.

Pahayag ng mga kamag-anak ng biktima, agad naman daw nilang ipinagamot sa albularyo at pinasipsip ang rabies mula sa katawan ng bata.

Makalipas ang 10 araw, namatay ang tuta na nakakagat sa bata. Dahil tiniyak naman daw ng albularyo na okay na ang bata, binalewala ng nag-aalaga sa bata ang pagkamatay ng aso.

Masigla naman daw ang bata at pumasok pa ito paaralan nitong Hunyo.

Noong nakaraang Sabado at Linggo ay dumaing ang bata ng hirap sa kanyang paghinga, at nangitim ang labi at mga kamay.

Dinala ang bata sa Tagkawayan District Hospital noong Linggo at dito kinumpirma ng doktor na naimpeksyon na ng rabies ang bata.

Kinakitaan na ito ng mga sintomas ng rabies kung kaya nagpasiya ang doktor na agad na itong ilipat sa RITM sa Alabang, subalit hindi pa nakakalayo sa Tagkawayan, Quezon ang ambulansya na maghahatid sa pasyente ay binawian na ito ng buhay.

Agad naman na nagpaturok ng bakuna ng anti-rabies ang mga nurse, doktor at iba pang tao na nakasalamuha sa bata, pati na ang driver ng ambulansya upang makatiyak na hindi sila nakontamina ng rabies.

Nangangamba rin ang guro at kaklase ng batang nasawi na sila ay mahawahan ng rabies kung kaya’t sa Biyernes ay babakunahan narin ang mga ito.

Ayon kay Dr. Everlyn Pallera ng Tagkawayan District Hospital, sana raw ay huwag nang magpaalbularyo ang mga nakagat ng aso, at maiging sa health center o sa hospital na agad magtungo. —LBG, GMA News