Posible nga kayang bumalik ang “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition” para sa ikatlong season?

Sa Instagram, nagbahagi ang “Pinoy Big Brother” (PBB) ng isang teaser na tampok ang isang hand gesture na naka-angat ang tatlong daliri. Kasama nito ang opisyal na logo ng “PBB Celebrity Collab Edition.”

Simple lamang ang caption na inilagay sa post na may mga emoji ng kumakaway na kamay, watawat ng Pilipinas, at globe.

Ibinahagi rin ni Gabbi Garcia, na nagsilbing isa sa mga host ng unang dalawang season, ang post sa kaniyang Instagram Stories.

Noong Pebrero, sina Caprice Cayetano at Lella Ford ang itinanghal na Big Winners ng “PBB Celebrity Collab Edition 2.0.”

Samantala, sina Mika Salamanca at Brent Manalo naman ang tinanghal na kauna-unahang Big Winner duo ng unang “PBB Celebrity Collab Edition.”

Naging makasaysayang partnership ng GMA Network at ABS-CBN ang “Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition,” kung saan pinagsama ang mga artist mula sa Sparkle at Star Magic bilang mga housemate sa loob ng iconic na Bahay ni Kuya.

Ipinalabas ang unang season nito noong Marso 2025, na sinundan ng ikalawang season noong Oktubre ng parehong taon na tumagal hanggang Pebrero 2026. —Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News