Isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isang suspek sa ilegal na droga ang nasawi sa naganap na engkuwentro sa isang operasyon kontra ilegal na droga sa Bongo, Tawi-Tawi noong Linggo, Agosto 9, 2026. Ang mga suspek, ginawa na rin umanong kliyente ng droga ang mga maliliit na mangingisda.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, inihayag ng mga awtoridad na isinagawa ng mga tauhan ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at mga tauhan ng Marine Battalion Landing Team (MBLT)-4, ang buy-bust operation laban sa grupo ng isang alyas na “Boss M” at mga kasama nito na sangkot sa pagpapakalat ng ilegal na droga sa lugar.
Sa kasagsagan ng operasyon, naganap ang engkuwentro na tumagal nang halos tatlong oras na nagresulta sa pagkamatay ng PDEA agent na si Enfernie Jim Dayag.
Nasugatan din ang isa sa mga target sa operasyon na si Boss M, na dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Tatlong miyembro rin ng Marines ang nasugatan sa palitan ng mga putok.
Nasamsam sa operasyon ang halos 100 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.8 milyon, mga drug paraphernalia, isang submachine gun, isang M1 Garand rifle, apat na caliber .45 na baril, at mga bala.
Patuloy namang tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang mga suspek na kinilala sa mga alyas na “Antonio,” “Nasser,” “Abon,” at dalawa pang hindi pa nakikilalang suspek na nakatakas din.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591).
“Ang masama pa rito, yung mismong komunidad na ‘yan kini-cater nila yung ibang mga buyer galing sa ibang isla, particular yung mga small fishermen na bago magdagat ay pumupunta sa nasabing lugar para gumamit ng droga dahil nga sa kanilang paniniwala na pampalakas ito sa kanilang trabaho,” ayon kay Abraham Kalim, Provincial Director, PDEA, Tawi-Tawi.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang PDEA sa pamilya ng nasawing tauhan nito.
"It is a very sad Sunday for us.. Let us put the sacrifice of IO1 Dayag forever in our hearts and be our inspiration in pursuing justice for his family, as well as, in doing relentless and determined action against drug syndicates," ani PDEA Director General Isagani Nerez. –FRJ GMA News
