Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pinuno ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na si Dr. Edwin Mercado bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH). Nangyari ito wala pang isang buwan matapos na ilagay ng una sa naturang puwesto si Dr. Jose “Brix” Pujalte Jr., na kaagad ding nagbitiw.

Nitong Lunes, inanunsyo ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro ang pagtatalaga kay Mercado bilang bagong DOH secretary, kasunod ng pagbibitiw ni Pujalte.

“Ang naipaabot ay kusang nag-resign si Dr. Pujalte dahil na rin sa kaniyang kalusugan,” ani Castro.

Nito lang nakaraang July 13 itinalaga si Pujalte sa naturang puwesto bilang kapalit ni Dr. Ted Herbosa, na nagbitiw din dahil sa usapin ng kalusugan.

Ngunit namarkahan ng kontrobersiya ang maiksing panunungkulan ni Pujalte sa DOH dahil mga reklamo tungkol sa ilan sa kaniyang polisiya at alegasyon na nakita siyang bumibisita sa casino.

Nauna nang hiniling ng mga health advocate at health worker sa Ombudsman na sibakin si Pujalte dahil sa umano’y pagsuspinde nito sa procurement ng mga gamot para sa tuberculosis at iba pang suplay na may kaugnayan sa TB.

Inakusahan din si Pujalte na makitang nasa isang casino noong Hulyo 20. Bagaman inamin niyang nasa hotel siya, itinanggi niyang nag-casino at iginiit na “official business” ang pakay niya sa lugar.

Track record ni Mercado

Bago italagang pinuno ng PhilHealth, nagsilbi si Mercado bilang vice chairman ng Mercado General Hospital/Qualimed Health Network mula Marso 2021.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nakuha ni Mercado ang kaniyang Doctor of Medicine degree mula sa University of the Philippines noong 1987.

Natapos naman niya ang isang Executive Master’s in Healthcare Administration sa University of North Carolina sa Amerika, at nakakuha rin ng Master of Medical Sciences in Global Health Delivery mula sa Harvard Medical School noong 2023.

Nagtrabaho rin si Mercado sa Zuellig Family Foundation at sa ilang DOH Centers for Health Development, at nagbigay siya ng teknikal na tulong sa mga provincial health board sa pagtatatag at pagpapatakbo ng mga healthcare provider network, ayon sa PCO.— FRJ GMA News