Maparaan ang naging solusyon ng isang paaralan sa Burgos, Ilocos Norte sa basura sa pamamagitan ng paghikayat sa kanilang mga estudyante na gawing pamalit sa school supplies at grocery items ang makokolekta nilang basurang plastic.

Ito ang naging inisyatibo ng Burgos Central Elementary School sa Barangay Poblacion sa kanilang Basura Exchange School Tiangge, na masasabing "hitting two birds with one stone," ayon sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes.

Mas mabigat na basura, mas malaking puntos.

"Gusto namin na iaral sa kanila kung [gaano] kaimportante ng kalinisan," sabi ni Jogie Jimenez, Brgy. Captain ng Poblacion, Burgos, Ilocos Norte.

Matapos makakuha ng points ang mga estudyante, puwede na nila itong ipampalit ng school items tulad ng lapis, crayons at papel.

Hindi lang ito, dahil nag-aalok din ang eskuwelahan ng grocery items gaya ng bigas.

Ang mga basurang plastic naman ay gagawaing "eco bricks" na alternatibo sa hallow blocks.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News